CHANGE: The good man is the man who, no matter how morally unworthy he has been, is moving to become better.


Home » Archives » 24. April 2008

Tanging Pamana by Hilario L. Coronel

Thursday, April 24, 2008

"Karunungan … tanging pamana ng magulang na sasandatahin ng anak sa pagtugpa sa dako pa roon ng buhay."

Kung may mga amang matatala sa kasaysayan dahil sa kahigpitan ng anak, si Tatang ay makakabilang marahil. Hindi naman malupit si Tatang. Sa kanya, basta tama ka’y tama ka, bagamat hindi ka niya pupurihin nang harapan. Ngunit kapag gumawa ka ng kaaliwaswasan ay humanda ka’t madudurog sa iyo ang lanubo ng bayabas.

Hindi mawawalan si Tatang ng lanubo ng bayabas na nakasuksok sa dingding. Lagi ring nakasabit sa isang pako sa dingding ang kanyang lumang sinturon. Bihirang mamalo si Tatang, ngunit pangingilagan mo naman ang kabihiraang iyon.

Kaipala’y dahil sa ako ang bunsong anak na lalaki kung kaya malimit na ako ang kasama ni Tatang kung umaahon siya sa bayan. Madalas ituro sa akin ni Tatang ang paaralang elementarya sa kabayanan.

Diyan ka mag-aaral anak, pagkatapos mo ng apat na grado sa ‘tin, — laging sinasabi ni Tatang.

Ngunit hindi ang sinasabi noon ni Tatang ang laman ng aking isipan. Ang ibig ko’y makahiwalay sa kanya at makasama sa maraming batang nagtakbu-takbo sa daan. Ang nasa gunita ko’y ang holen at buwal-preso na iniwan ko sa amin.

Wala akong hilig sa pag-aaral noon. Nakaiinip sa akin ang pag-upo sa desk sa loob ng iskuwelahan. Inaantok akong lagi sa pakikinig sa pagkukuwento ng aming maestra. Subalit hindi ko masasabi iyon kay Tatang. Tiyak na makakagalitan lamang niya ako.

Minsan ay napalaban ako ng babag sa iskuwelahan. Nang umuwi ako’y punit-punit ang aking damit. Nalaman pala agad iyon ni Tatang. Hindi pa ako nakakapanhik ay nakita ko na sa pinto si Tatang — naghihintay sa akin. Halos mangatog ako sa takot.

Nang mailapag ko ang aking mga libro sa papag ay narinig kong nagsalita si Tatang. Hindi natuloy ang tangka kong pagpanaog. Patag na patag ang boses ni Tatang.

–Dumapa ka!

Wala akong nagawa kundi umunat sa sahig. Ngunit nakataas ang aking ulo. T-tatang.. — parang pagtutul ko.

–Baba’ng ulo!

Pumikit na lamang ako matapos kong idikit ang aking mukha sa sahig.

–Di ba kabilin-bilinan ko’y huwag kang makikipagbabag?

–Opo!–

Di ba kabilin-bilinan ko’y ang pag-aaral ang asikasuhin mo?

Opo!

Uli-uli’y magtatanda ka!

Hindi na ako nakasagot sapagkat lumagapak na sa aking pigi ang sinturon ni Tatang. Kung mamalo si Tatang ay minsan lamang, hindi na inuulit sapagkat talagang hindi na kailangang ulitin. Halos mamilipit ako sa sakit. Subalit hindi man lamang ako nakaingit.

Ayaw na ayaw ni Tatang na kami’y iiyak dahil lamang sa pagkakapalo. Ang pag-iyak daw ay tanda ng kahinaan ng pusong-babae.

Ang ano mang pagkagalit ni Tatang ay madali niyang malilimot. Nang hapong iyong mapalo ako ay sa tabi ko siya nahiga sa pagtulog.

–Mag-aral kang mabuti, anak. Ayokong ang pinagdaanan ko’y manahin pa. Ikaw man lang e maiba sa mga kapatid mo. Ikaw man lang e me marating…

Ngunit hindi ko kayang unawain noon ang sinasabi ni Tatang. Ang nararamdaman ko’y hapdi ng aking pigi. Ang nasa dibdib ko’y ang pagtatampo at marahil ay sama ng loob kay Tatang dahil sa pagkakapalo sa akin.

–’yan lang ang tanging pamanang maiiwan ko sa ‘yo.

Lalong hindi ko nauunawaan ang pangungusap na iyon ni Tatang. Pumikit ako nang mariin, ngunit nanatili akong gising. Nagtulug-tulugan ako, at makaraan ang ilang sandali’y bumangon si Tatang at umalis sa aking tabi.

Kung ano ang higpit ni Tatang ay siya namang luwag ni Inang, bagamat kapag sinabi ni Tatang na ayaw niya ay walang masabi ang aking ina. Lahat kaming magkakapatid ay di makasuway kay Tatang. At kapag nagsasalita siya’y tahimik kaming lahat. Sa munting pagkakamali nami’y "sinasabon" kami at kapag kaaliwaswasan na nga ay lanubo ng bayabas o lumang sinturon ang sasayad sa aming pigi.

Subalit nagagawa rin ni Tatang na maging masaya kami. At matapos siyang "magsermon", ang pangangaral niya’y nauuwi sa pagpapatawa. Ako ang laging nakikita ni Tatang sa gayong pagkakataon.

–Suminga ka nga muna,– sasabihin ni Tatang sa akin, — tila me bara’ng ilong mo.

Hindi ako sasagot; ni hindi matatawa. Kung mangiti man ako’y pilit lamang. Sa loob-loob ko, lagi na lamang ako ang nakakagalitan. Sapagkat sa aming magkakapatid ay madalas na ako ang nakakatikim ng sinturon ni Tatang. At kahit nagpapatawa si Tatang, ang nagugunita ko’y ang matitinding palong tinanggap ko at kaipala’y tatanggapin pa. 

Nang nasa haiskul na ako’y hindi na nagagamit sa akin ni Tatang ang lanubo ng bayabas at ang lumang sinturon. Subalit mahigpit pa rin siya, nakikita pa rin nyang lagi ang munting pagkakamali at pagkukulang ko, hindi ko pa rin masunod ang balang maibigan ko.

Isang kamag-aral na tagabayan a ng madalas kong ihatid sa pag-uwi. Yaon ang aking unang pag-ibig. Ngunit sa di ko malamang pangyayari, nabalitaan iyon ni Tatang.

–Huwag mo munang isipin ang pag-aasawa. Madaling humanap ng mapapangasawa…kapag tapos ka’y babae na ang hahabol sa’yo…

–Anong gagawin mo kung magkakaasawa ka?Labingwalong taon ka lang. Gusto mo bang matulad sa ibang kapatid mong nagsipag-asawa agad…na nakatayo pang tanim na palay e wala nang uhay?

(more…)

Posted by eackouye at 9:32 PM | permalink | comments[1516]